Pages - Menu

Jose Rizal: Ang Bayani ng Lahi


Si Rizal ay sino?
Hayaang ako rin ang tumugon dito:
Si Rizal ay isang karaniwang tao,
Nilalang kayumangggi ng lahing pinoy;
Pagkat manunubos siya ng paglaya nating Pilipino.

Nang kanyang igugol sa tigang na lupa nitong Bagumbayan
Ang mapulang dugo ng kabayanihan
Ay ngiting matamis yaong namulaklak
Sa labi ni Rizal.
Sa kanyang pagyao'y kanyang nalalamang
Siya'y nag-iiwan ng matabang binhi sa dibdib ng bayan;
Ng magsisisunod na sa ating lupa ay manunukulan.

Kung buhay si Rizal ay ano nga kaya ang kanyang gagawin
Sa nagpamalas na kapansin- pansin
Na gawa ng ilang kababayan natin?
Katulad ni Kristo'y kanyang itataboy at palalayasin
Sa templo ng bayan ang nagpapayaman sa mga tungkulin;
Sa talim ng kanyang tabak na panulat, kanyang wawasakin
Ang tronong lulukan ng ganid at sakim,
Nang di na magamit ang kapangyarihang
Busalan ang bibig ng malayang bayan
Upang di malantad ang katotohanan
Na ikinukubli sa likod ng mga masamang walang ngalan.

Hahambalusin din ng kanyang panitik
Ang nangakalimot sa pangakong langit,
Yaong sa simula, nang kandidato pang nangagsisilapit,
Ay parang binata sa harap ng kanyang mutyang iniibig.
Ngunit nang matami
Ang tamis ng oo
At sampu ng boto
Ay nagsalawahang iniwang tumangis
Bayang sa kanila'y nagyiwalang labis.

Kung buhay si Rizal di mapipigil
Ang dalo'y ng kanyang damdami't panulat;
Katulad ng agos na nagtutumulin
Ay di masasarhang tumugppa sa dagat;
Sapagkat si Rizal
Di paris ilan
Na maari mong bilhin at suhulan,
Di tulad ng iba na mabubuhay lamang
Kahit na lustayin ang pera ng bayan.

Kay Rizal ang bayan ay higit sa lahat
Higit sa salaping bulang nababasag;
Kung buhay ni Rizal at ito ang bayang kanyang namamalas…
Madilim at sakmal ng itim na ulap,
Ay pamuli niyang iaalay pa rin
Ang buhay na angkin
Upang sa Silanga'y bumating pamuli
Ang isang umaga na magandang- maganda at may gintong sinag.