Pages - Menu

Ang alon sa dagat


Isang dapithapon ako ay naglakad
Sa tabi ng dagat, paa ko'y napadpad;
Ang hindi mawari sarili'y naghangad
Magmasid sa alon…ang puso'y naganyak.

Kaygandang malasin ng alon sa dagat,
Lalo na't tahimik, kilos ay banayad;
Ang mumunting isda na aking namalas
Pawang masisigla't punong- puno ng galak.

Dagliang nangarap ang munting isipan,
Sana ang sarili sa isda'y kabilang;
Marahil ang lungkot ay di makakamtan
At pawang ligaya ang mararanasan.

Walang anu-ano, ako ay nagulat,
Biglaang nagbago ang hanging- habagat;
Dagling sumilakbo along mabanayad,
Masasayang isda'y nalito't nasindak.

AT itinuon ko ang aking paningin
Sa kaitasan nitong papawirin;
Mapuputing ulap ay kusang nangitim
Tila nagbabadyang may bagyong darating.

Isang sandali pa'y dagling naramdaman
Ang patak ng ulan sa aking katawan;
Ako ay tumayong buo ang isipang
Lisanin ang pook ng dalampasigan.

Habang papalayo sa dalampasigan
Nabuo sa isip isang katanungan;
Äng alon sa dagat kaya ay katulad
Ng buhay ng taong Diyos ang may gawad?"