Lumubog ang araw nang may hinanakit,
Sa pangit na mukha ng sawing daigdig;
Ang buti ay lugmok, sama'y nakatindig,
Pumapaibabaw ang tubig sa langis;
Ang banal na landas ay takot matawid,
Liku-likong daan ay nagiging tuwid;
Matapos mamangka sa ilog na lihis,
Ang dinatnang pampang ay nagpapagibik!
Kumalat ang dilim… dumapo ang ibon
Sa sangang- kalansay ng patay na kahoy;
Pumatak ang hamog sa pigtal na dahon,
Umagos ang luha ng isang kahapon;
Ang mga kuliglig, nadama ay gutom,
Ang inihuhuni ay dakilang layon;
Ang tigang na lupa ay kusang naburol,
Mapanglaw na gabi ang naging kabaong.
Isang baguntao ang sa paglalakd
Ay lilinga- linga, larawan ng sindak;
Matapos marating ang dulo ng landas,
Hindi matandaan ang iniwang bakas;
Nang umalis siya ay nagsusumagsag,
Ngayong pabalik na ay nag-aapuhap;
Nagmistulang ibong sa tayog ng lipad,
Nabali ang bagwis… sa lupa bumagsak.
Ngayon nag- iisa sa ilang na pook,
Ang idinidighay ay sama ng loob,
Humimlay sa puno ang katawang pagod,
Ang nagsilbing unan ay mga himutok;
Taglay ng umaga ang tuwa at lugod,
Nanngangalumbaba ang gabing sumunod;
Ang taong nalayo sa Kamay ng Diyos.
Naririto ngayon, nagsisising lubos.
1887 Votes for Yes/ 5 For NO